36 PNP officials inirekomendang sibakin sa pwesto ng 5-man advisory group
Isinumite ngayong Martes, April 25, ng 5-man advisory group ang final report nang isinagawang evaluation sa papel ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na pinagsumite ng courtesy resignation.
Sa 953 na nagsumite ng resignation paper, 917 ang cleared habang may 36 na opisyal ang inirekomendang alisin sa serbisyo matapos makitaan ng pagkaka-ugnay sa illegal na droga.
“With respect doon sa remaining 36, I understand that they will be subjected to further evaluation by the NAPOLCOM at ang bola ngayon ay nasa NAPOLCOM,” paliwanag ni PCol. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP.
Ipauubaya naman ng bagong upong PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasya kung isasapubliko ang pangalan ng mga opisyal na sisibakin sa pwesto.
“The process has been completed and it will be submitted to the President and with regards to the names, siguro if you are asking my opinion, I leave that to the President to make this public or not,” pahayag pa ni Gen. Acorda.
Sa kaniyang unang araw na pag-upo bilang PNP chief, agad na nagsagawa ng command conference si Gen. Acorda.
Sa harap ng mga regional director, directorial staff at mga hepe ng national support unit, isa-isang inilatag ng heneral ang kaniyang strategic guidelines sa gagawing internal cleansing at pagbaka sa illegal na droga.
“We will be aggressive. I said that in my speech during my assumption and with regards to the strategy, sinasabi ko nga kanina sa ating mga commanders on the ground, it will be a (divide) and focused operations,” paliwanag ng PNP chief.
Sa kabila ng planong pagpapa-igting sa internal cleansing, hinikayat ng bagong upong PNP chief ang mga police commander na huwag ipahiya ang kanilang mga tauhan.
“Dapat they should treat each personnel as a family member. Kung paluin mo, wag mo nang ipahiya sa buong bayan na yong anak mo ay nagkakalat, pero kailangang paluin. Kung kailangang ipakulong, ipakulong natin,” diin pa ni Gen. Acorda.
Samantala, wala pa raw plano si General Acorda na magpatupad ng rigodon sa hanay ng mga opisyal pero kung sakaling magkaroon ng reshuffle iba-base nya raw ito sa kakayahan at kapabilidad ng bawat opisyal.
Mar Gabriel