38 nasaktan sa sunog sa police headquarters sa Egypt
Hindi bababa sa 38 katao ang nasaktan bago naapula ang sunog sa isang police headquarters sa lungsod ng Ismailia sa Egypt
Wala namang agad na naiulat na namatay, subalit ang gusali ay sinasabing puno ng mga pulis nang mangyari ang sunog.
Nang dumating ang unang rescue services ay nilamon na ng apoy ang buong gusali ng Ismailia Security Directorate.
Naglagablab ang apoy sa multi-storey building, na lubusang binalot ng napakalaking ulap ng usok bago nakontrol ang sunog.
Nang humupa ang apoy ay nagsagawa ng cooling procedures ang emergency services upang mapigilan na muling sumiklab ang sunog.
Hindi pa batid ag sanhi ng sunog, habang isinara na ng security forces ang lugar.
Ipinag-utos naman ni Interior Minister Mahmoud Tawfik ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog, maging ang pagsasagawa ng isang “structural safety review” para sa gusali.
Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang mga awtoridad kung ilang pulis at ilang bilanggo ang nasa loob ng gusali.
Sa ulat ng health ministry, sa 26 na nasugatan na dinala sa isang lokal na pagamutan, 24 ang dumanas ng “asphyxiation” at dalawa naman ang nagtamo ng mga paso, habang labingdalawa ang nilapatan ng lunas noon din.
Nagpadala rin ang health ministry ng 50 mga ambulansiya, na kalaunan ay sinamahan na rin ng military emergency services na kinabibilangan ng dalawang eroplano.
Ang naganap na sunog nitong Lunes ay nangyari sa isa sa dose-dosenang bagong police headquarters na itinayo o isinailalim sa renovation sa buong bansa sa nakalipas na dekada.