39 Pilipino mula sa Gaza inaaasahang makakatawid na sa Rafah border ngayong Martes
Matapos na maantala ng ilang araw ay matutuloy na rin ngayong Martes ang pagtawid sa Rafah Border ng mga Pilipino mula sa Gaza.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na hindi bababa sa 39 Pilipino
ang inaasahang makakaalis na sa Gaza at kasalukuyang nasa Rafah Border.
May pito pa aniyang Pinoy na kabilang sa 46 na tatawid na sana mula sa Gaza ang nagdadalawang isip kung tutuloy dahil sa ibat ibang dahilan.
Pero nilinaw ni De Vega na kabuuang 115 Pilipino ang pinahintulutan na makatawid sa Rafah crossing ngayong Martes.
Inanunsiyo rin ng DFA na pinayagan na rin ng Ministry of Foreign Affairs ng Israel na makalusot na rin sa Egypt maging ang mga asawang Palestino ng mga Pinoy.
Hinihintay na lang aniya nila ang pormal na sulat mula sa Israel.
Dahil dito, tiwala ang DFA na mas madali nang makukumbinsi ng embahada ang ibang Pinoy na naiipit sa gulo sa Gaza na umalis na doon.
Samantala, balik bansa na ang ika-anim na batch ng Overseas Filipino Workers na galing sa Israel.
Kabuuang 42 OFWs at isang sanggol ang kasama sa panibagong batch ng mga repatriated Pinoys.
Lumapag kaninang 2:50 ng hapon sa NAIA Terminal 3 na lulan ng Etihad Airways flight EY425.
Isa sa mga nakauwi ay ang OFW na si Jesyl na 10 taong caregiver sa Jerusalem.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 184 ang bilang ng repatriated OFWs mula sa Israel matapos ang October 7 Hamas attacks.
Sa pagtaya ng DFA ay Posibleng sa loob ng linggong ito ay makauwi na sa bansa ang mga Pinoy na makakaalis na sa Gaza ngayong araw.
Ayon sa DFA, siniguro ng mga opisyal na mabilis na mapoproseso ang mga Pinoy sa Egyt at hindi sila magtatagal sa border.
Moira Encina