4 Pinoy workers na namatay sa Taiwan, naghihintay pang maiuwi sa Pilipinas
Hindi pa rin naiuuwi sa bansa ang labi ng apat na Pinoy na namatay sa sunog sa isang factory sa Taiwan.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Chairman Silvestre Bello III ng Manila Economic and Cooperation Office (MECO) na hinihintay pa rin nila ang special power of attorney (SPA) na manggagaling sa pamilya ng mga biktima.
“Nasa morgue pa, dahil hinihintay natin yung manggagaling na special power of attorney ng kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas na binibigyan ng kapangyarihan ang aming opisina na ilipad, i-repatriate na sila sa Pilipinas,” paliwanag pa ni Bello.
Sinabi ni Bello na sa kabuuan ay walo ang mga manggagawang Filipino na na-apektuhan ng sunog sa food manufacturing factory.
Pawang biktima ng suffocation ang mga ito dahil nang sumiklab ang sunog ay tumakbo sila sa storage at doon naipit kaya’t nakalanghap ng maitim na usok.
“Dahil sa severe carbon monoxide poisoning, alam mo matindi ang sunog karamihan ng namatay ay dahil sa suffocation,” pahayag pa ng opisyal.
Para sa mga manggagawang nasa ospital, tiniyak ni Bello na tuluy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng kaniyang opisina sa mga ito.
“Syempre yung mga nasa ospital, tuloy ang financial at medical attention, araw-araw dinadalaw, binibigyan ng damit, pagkain,” dagdag pa ni Bello.
May nakalaan din namang tulong para sa pamilya ng mga nasawi na galling sa kumpanya at maging sa gobyerno ng Taiwan.
Kabilang na dito ang tig-NT$300,000 o katumbas ng kulang P600,000 at tig-NT$100,000 bawat isa mula sa Taiwan Ministry of Labor, gayundin ang gobyerno sa bayan kung saan nakatayo ang nasunog na pabrika.
Sa panig ng Pilipinas, tatanggap din ng benepisyo ang pamilya ng mga nasawi mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
“Sa OWWA, itong ating gobyerno, mabibigyan sila ng death benefits na P200,000, at burial na P20,000, maliban dun yung namatay na kababayan natin kung may anak ay naka-garantiya na ang free education ng kanilang mga anak,” dagdag na pahayag ni Bello.
Sinabi ni Bello na umaabot sa 80 Filipino ang manggagawa sa nasunog na pabrika.
Tiniyak naman niyang ligtas ang lagay ng mga ito sa kasalukuyan.
Weng dela Fuente