45 cruise passengers na may Covid bumaba na sa Italy
Nasa 45 pasahero ng isang cruise ship ang bumaba na sa Italian port ng Genoa nitong Lunes matapos mahawaan ng coronavirus, habang ang iba pa na nagpositibo ay namalagi sa barko ayon sa operator.
Iminumungkahi ng media reports na nasa pagitan ng 120-150 kataong lulan ng MSC Grandiosa ang infected ng Covid. Dumating ang barko sa Genoa nitong Lunes ng umaga galing sa French port ng Marseille.
Pinabulaanan naman ng MSC ang anila’y hindi tamang media reports, ngunit hindi naman sinabi kung gaano karami ang kaso sa isinagawang routine testing.
Ayon sa MSC . . . “Today we are disembarking 45 positive cases in Genoa.”
Sinabi pa ng kompanya na karamihan sa mga kaso ay asymptomatic, at sila at ang kanilang close contacts ay agad na inaysolate sa mga cabin na may mga balcony at binigyan ng atensiyong medikal.
Kinumpirma ng mga awtoridad sa Genoa na may mga pasaherong hindi tiyak ang bilang na bumaba mula sa barko, kung saan ang mga Italyano ay dinala sa kanilang mga tahanan, habang ang mga dayuhan naman ay dinala sa care facilities kung saan sila mag-a-isolate.
Anila, magpapatuloy ng biyahe ang cruise ship sa Italian port ng Civitavecchia para ibaba ang mga nakatira sa central o southern Italy, at ihahatid sa kanilang bahay para mag-isolate.
Ayon sa mga awtoridad, lahat ng paglilipat at pamamalagi sa care facilities ay babayaran ng MSC Cruises.