453rd Anniversary ng Maynila, ipinagdiriwang
Ginugunita ngayong Lunes, Hunyo 24 ng Lungsod ng Maynila ang ika-453 taon ng pagkakatatag nito.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagaalay ng bulaklak sa bantayog ni Rajah Sulayman sa Malate, Maynila.
Pinangunahan ang seremonya nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.
Si Sulayman na isa sa mga namuno sa Maynila ay kinikilala na tumanggi at lumaban sa pananakop ng mga Kastila sa lungsod
Sinundan naman ang programa ng civic at military parade sa bahagi ng Onyx Street at Dagonoy Street sa San Andres, Maynila.
Kabilang sa mga lumahok ang Manila Police District, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at iba pang mga ahensiya.
May mga paligsahan din ng float at cultural performances ang bawat distrito sa Maynila.
Hinimok naman ng alkalde ang mga Manileño na makiisa sa mga inilatag na aktibidad sa lungsod sa makasaysayang araw.
Moira Encina