46 indibiduwal arestado dahil sa pag-o-operate ng hindi rehistradong online lending apps
Hinuli ng pinagsanib na puwersa ng PNP-Anti-Cybercrime Group at Securities and Exchange Commission ang 46 na tauhan ng isang lending company sa Pasig City dahil sa mga paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Lending Company Regulation Act.
Ikinasa ng mga otoridad ang operasyon laban sa Cashtrees Lending Corporation matapos na makakuha ng search at examine computer data warrant mula sa Manila Regional Trial Court.
Nabatid sa onsite digital forensic examination na ang mga empleyado ng Cashtrees Lending ay nag-o-operate ng online lending apps.
Ayon sa SEC, ang Cashtrees Lending ay rehistrado bilang korporasyon at may sertipikasyon para mag-operate bilang lending firm.
Ito ang nagpapatakbo sa registered online lending apps gaya ng Happylend, Creditcash at Cashmore.
Pero karamihan sa online lending apps na inooperate nito ay hindi rehistrado gaya ng Goodpocket, Easymoney, 365 Cash at Rushloan na una nang inisyuhan ng cease and desist order ng SEC.
Kaugnay nito, ipinagharap na ang mga arestadong empleyado ng mga reklamong misuse of device sa ilalim Cybercrime law at paglabag sa Lending Company Regulation law sa DOJ.
Moira Encina