46 na migrants natagpuang patay sa isang tractor-trailer sa Texas
Hindi bababa sa 46 na migrants ang natagpuang patay sa loob at paligid ng isang abandonadong tractor-trailer, sa gilid ng isang kalsada sa San Antonio, sa central Texas.
Ang malagim na nadiskubre ay isa sa mga pinakamasamang pangyayari na kinasasangkutan ng mga migrante sa Estados Unidos sa mga nakalipas na taon — at nangyari limang taon pagkatapos ng katulad na insidente sa parehong lungsod, na ilang oras lamang ang layo mula sa hangganan ng Mexico.
Ayon kay San Antonio Fire Chief Charles Hood . . . “At this time we have processed approximately 46 bodies that have been triaged and tagged and declared deceased.”
Sinabi ni Hood, na 16 katao ang buhay at may malay pa na dinala sa pagamutan na kinabibilangan ng 12 adults at apat na mga bata.
Aniya . . . “The patients that we saw were hot to the touch, they were suffering from heat stroke, heat exhaustion, no signs of water in the vehicle, it was a refrigerated tractor-trailer but there was no visible working AC unit on that rig.”
Sa report ng pulisya, tatlo katao ang nasa kustodiya na kaugnay ng insidente.
Ang San Antonio, na nasa may 250 kilometro (150 milya) mula sa border, ay isang pangunahing transit route para sa nagpupuslit o nagi-smuggle ng mga tao.
Ang tractor ay natagpuan sa isang kalsada malapit sa Highway I-35, isang pangunahing US artery na ang kahabaan ay abot hanggang sa border ng US sa Mexico.
Isinisisi naman ni Texas Governor Greg Abbott na isang Republican sa open border policies ni US President Joe Biden ang nangyari.
Aniya . . . “These deaths are on Biden. They show the deadly consequences of his refusal to enforce the law.”
Ang San Antonio rin ang pinangyarihan ng katulad na migrant tragedy noong 2017, nang sampu katao ang ma-suffocate at mamatay sa loob ng isang napakainit na trailer dahil sa sirang air conditioning at baradong ventilation holes, habang nasa biyahe patungo sa Estados Unidos.
Dose-dosenang iba pa ang na-ospital naman dahil sa heat stroke at dehydration — ang naturang trak ay pinaniniwalaan na may lulang hanggang 200 katao, na ang karamihan ay tumakas nang huminto ang trak sa isang parking lot.
© Agence France-Presse