4Ps beneficiaries, prayoridad sa muling pagbabalik ng NFA rice
Prayoridad na bigyang pakinabang sakaling magbalik ang state-subsidized NFA rice sa mga palengke at iba pang pamilihan sa bansa, ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, na kapag nagkaroon na ng sapat na suplay ng bigas sa bansa ay unang makikinabang sa NFA rice ang 4Ps beneficiaries.
Aniya, kung tataasan pa ang subsidiya ng NFA ay maaari nang mairagdag ang iba pang mahihirap. Kapag nagkaroon ng dagdag na budget para sa NFA, ay mas marami nang ilalabas na bigas para sa NFA outlets.
Matatandaan na simula noong August 2019 ay hindi na naipagbili pa ang NFA rice sa mga pamilihan.
Una nang ipinaliwanag ng DA, na upang maging abot-kaya ang halaga ng bigas ay muling maglalabas ng NFA rice sa mga pamilihan, nguni’t para lamang iyon sa mga benepisyaryo ng 4Ps.