5.5 billion pesos na sustainable livelihood program fund ng DSWD gagamitin na subsidy sa mga rice traders na apektado ng rice price ceiling na ipinag-utos ni PBBM

Nakahanap na ng pondo ang pamahalaan na gagamitin bilang subsidy o cash assistance sa mga rice traders na nagrereklamo sa ipinatutupad na price ceiling ng bigas sa merkado……

Inihahanda na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pondo na gagamiting goverment subsidy sa mga rice traders na apektado ng rice price ceiling na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ng executive order 39 na nagtatakda na ang bawat kilo ng regular milled rice ay 41 pesos at ang well milled rice ay 45 pesos ang kada kilo sa mga pamilihan.

Sinabi ni DSWD spokesman assistant secretary Romel Lopez na inatasan ng Pangulo si DSWD secretary Rex Gatchalian na gamitin ang 5.5 billion pesos na sustainable livelihood program fund ng ahensiya para gamiting subsidy sa mga apektadong rice traders na umaangal sa ipinatutupad na rice price ceiling.

Ayon sa DSWD kailangan ang tulong ng Department of Agriculture o DA at Department of Trade and Industry o DTI para ma-identify kung sino-sinong mga maliliit na rice traders ang aayudahan ng gobyerno.

Inihayag ng ahensya na bawat kuwalipikadong rice traders na apektado ng rice price ceiling ay makakatanggap ng 15 thousand pesos na cash assistance.

Samantala sinabi ni House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co na nakipag-ugnayan na siya kay Department of Budget and Management o DBM secretary Amenah Pangandaman batay sa kautusan ni House Speaker Martin Romualdez na hanapan ng source of funding ang 2 billion pesos na bahagi ng mababang kapulungan ng kongreso sa government subsidy sa mga apektadong rice traders sa ipinatutupad na rice price ceiling.

Niliwanag ng mambabatas na naghahanap ngayon ang DBM ng mga unprogrammed funds para paghugutan ng 2 billion pesos na gagamiting subsidy sa mga apektadong rice traders ng rice price ceiling.

Inihayag ng DSWD na sa sandaling ma-identify ang mga rice traders na benepisaryo ng government subsidy agad ipapamahagi ang cash assistance mula sa pamahalaan…..

Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *