500 milyong piraso ng P1000 polymer bills, target mailabas sa 2023–BSP
Tiwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mailalabas sa sirkulasyon ang lahat ng 500 milyong piraso ng bagong 1000-piso polymer banknotes sa susunod na taon.
Ayon kay Bank Officer IV Xyza Jane Templonuevo, sa pagtaya ng central bank ay pagdating ng Hunyo 2023 ay nasa sirkulasyon na ang 500 milyong piraso ng nasabing polymer bills.
Inisyal na 10 milyong piraso ng 1000-piso polymer banknotes ang inilabas na ng BSP noong Abril.
Samantala, binigyan naman ng BSP ang mga bangko sa NCR ng hanggang katapusan ng taon habang ang mga nasa labas ng NCR ay may hanggang June 2023 para ma-recalibrate ang kanilang ATMs upang makapag-dispense ng polymer notes.
Ipinagmalaki ng central bank na mahirap na mapeke ng mga kriminal ang disenyo ng polymer dahil sa sopistikado at complex na security features nito.
Isa sa mga ito ang vertical clear window na mayroon nang iba’t ibang security features.
Inihayag naman ng BSP na bagamat may mga napapaulat na pekeng pera sa sirkulasyon ay mababa o maliit pa rin ang problema sa counterfeiting ng pera sa bansa.
Sa datos ng BSP, 98% ang conviction rate sa mga counterfeiters na kinakasuhan ng central bank sa mga korte.
Moira Encina