50,000 doses ng Sputnik-V vaccine na dumating sa bansa kagabi, ipamamahagi sa 3 mga lugar na may mataas na Covid-19 cases
Nasa dalawa hanggang tatlong lugar muna na may mataas na kaso ng Covid-19 ang mabibigyan ng 50,000 doses ng Sputnik-V vaccine ng Russia.
Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing.
Ang mga bakuna ay dumating sa bansa alas-11:00 kagabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 Bay 114 sakay ng Qatar Airways QR928.
Ang pagdating ng bakuna ay sinalubong nina Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov.
Ito na ang ikatlong batch ng Sputnik-V na dumating sa bansa.
Dinala ito at inimbak sa Pharmaserv Warehouse sa Marikina City.
Sinabi pa ni Vergeire na ang inisyal na 30,000 Sputnik-V vaccine na dumating sa bansa noong May at 2 ay ipinamahagi sa mga piling lugar sa National Capital Region bilang mga first dose.
Wala pa naman aniyang naitatalang nakaranas ng malalang adverse events o namatay matapos maturukan ng nasabing bakuna.