55 katao nagpositibo sa Covid sa isang US cruise ship
Limampu’t lima katao na lulan ng isang Royal Caribbean International cruise ship na umalis sa estado ng Florida noong Sabado, ang nagpositibo sa Covid-19.
Ayon sa Royal Caribbean, ang mga nagpositibo sa “Odyssey of the Seas” ay kinabibilangan ng mga pasahero at crew members, bagama’t 95 percent sa mga lulan ng barko ay bakunado na laban sa coronavirus.
Bilang pag-iingat, hindi dumaong ang barko sa Caribbean islands ng Curacao at Aruba, ang naka-schedule na huli dapat nilang dadaungan sa walong araw nilang biyahe, kayat mananatili ito sa karagatan hanggang sa bumalik sa Fort Lauderdale, Florida, sa December 26.
Ang Odyssey ay may lulang 3,587 mga pasahero at 1,599 crew members.
Ayon sa shipping company, lahat ng 55 nagpositibo ay bakunado na laban sa Covid-19, at pawang asymptomatic o mild lamang ang sintomas.
Isinailalim naman sa 24-oras na quarantine ang naging close contacts ng 55, bago kumuha ng Covid test.