6 indibiduwal, inirekomenda ng NBI sa DOJ na masampahan ng mga reklamo sa pagsipa ng presyo ng sibuyas
Isinumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang resulta ng imbestigasyon nito sa sobrang pagtaas ng presyo ng sibuyas sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, anim na indibiduwal ang inirekomenda ng NBI na isalang sa preliminary investigation para sa mga reklamong profiteering, hoarding at price manipulation.
Kinumpirma ni Remulla na kabilang sa mga inirekomenda ng NBI na ipagharap ng reklamo ay mga opisyal ng pamahalaan.
“Kasama ang mga opisyal sa gobyerno sapagkat sa tingin namin sila po ay talagang lumalabas na mayroong sala, sa pagkakataong ito ay simula pa lang, marami pa hong kasong ipa-file at tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng NBI ” ani Remulla.
Sinabi naman ni DOJ Undersecretary Geronimo Sy na nag-ugat ang rekomendasyon sa pagbenta sa gobyerno ng overprice na 8,000 bags ng sibuyas sa halagang P537.00 kada kilo ng isang pribadong kooperatiba noong December 2022.
“ This is now the basis for hoarding and profiteering, kasi ang sabi daw wala nang stocks wala ng available pero nung kinontrata ng P500.00 nagkakaroon ng stocks at profiteering because, farm gate price onions cost of production from 8 to 15 pesos lang, pagbenta 537 pesos per bag so yung twin crimes, hoarding & profiteering” pahayag ni Sy.
Sa imbestigasyon pa ng NBI at ng Anti-Agricultural Smuggling Task Force, sinabi na ang modus ng mga idinadawit ay nagsumite ang mga ito ng tatlong bid sa gobyerno pero dalawa sa mga ito ay peke at pinalusot ang mga ito ng mga kasabwat na opisyal ng pamahalaan.
“ Ang minimum kasi three bidders dapat. So ang three bidders actually, iisa lang ang gumawa ng three bids, and nag-falsify sila ng documents. Malinaw na malinaw na ‘yung dalawang supposedly other bidders hindi alam na sumama sila sa bid… and this was allowed by the FTI. Not following the basic due diligence for involving such a huge sum of money. About P134 million ang involved” paliwanag pa ni Sy.
Hindi na muna pinangalanan ng DOJ ang anim na isinasangkot.
Nilinaw ng DOJ na hindi pa sinampahan ng pormal na reklamo ang anim at isasailalim pa ang rekomendasyon ng NBI sa evaluation.
Moira Encina