6 Siyudad na sakop ng Maynilad, mawawalan ng suplay ng tubig simula Hulyo 12
Pinaghahanda na ng Maynilad Water ang mga residente ng anim na lungsod sa Metro Manila dahil ipatutupad na sa Hulyo 12 ang araw-araw na water service interruptions na tatagal ng siyam hanggang labing-isang oras. Magsisimula ito ng alas 7:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga at sa ibang lugar ay hanggang alas 6:00 ng umaga.
Kabilang sa tatamaan ng water service interruption ang West Zone na siniserbisyuhan ng Maynilad na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Valenzuela, Navotas, Manila at Quezon City.
Sinabi ni Engineer Ronald Padua, Head ng Maynilad Water Supply Operations, pangunahing dahilan ng mahabang water service interruption ang pagbabawas ng National Water Resources Board (NWRB) ng water allocation mula sa Angat Dam sa Metropolitan Waterworks And Sewarage System (MWSS) mula sa dating 52 cubic per seconds ay ginawang 48 cubic per seconds na lamang simula noong Hulyo 8, 2023 na siyang pinagkukunan ng suplay ng Maynilad at Manila Water.
Inihayag ni Padua na aabot sa 591,000 kustomer ang apektado ng nasabing water service interruption.
Niliwanag ni Padua na hindi pa masabi ng Maynilad kung kailan babalik sa normal ang water supply dahil sa magiging epekto ng El Niño Phenomenon sa bansa sa huling quarter ng taon hanggang sa first quarter ng susunod na taon.
Dahil dito, umapela ang Maynilad sa kanilang mga kustomer na kailangang magtipid ng paggamit ng tubig at humingi na rin ng pang-unawa dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Vic Somintac