70 patay sanhi ng bagyong Ana sa southern Africa
Umakyat na sa 70 ang bilang ng mga nasawi mula sa bagyong tumama sa tatlong bansa sa South Africa, habang nagkukumahog ang emergency teams na ayusin ang nasirang mga imprastraktura at tulungan ang libu-libong mga biktima.
Taglay ang napakalakas na mga pag-ulan, ang bagyong Ana ay naglandfall sa Madagascar noong Lunes, bago inararo ang Mozambique at Malawi.
Ang Madagascar ay nag-ulat ng 41 nasawi, habang 18 sa Mozambique at 11 sa Malawi.
Dumaan din ang bagyo sa Zimbabwe ngunit wala namang napaulat na namatay doon.
Sa tatlong bansa na pinaka sinalanta ng bagyo, libu-libong mga bahay ang nasira. Ang ilan ay gumuho dahil sa lakas ng ulan, kaya’t na-trap ang mga biktima.
Maging ang mga tulay ay tinangay ng umapaw na mga ilog, habang nangalunod naman ang mga alaga nilang hayop.
Sa Madagascar, 110,000 ang kinailangang lumikas, kaya’t ginamit nang emergency shelters ang mga paaralan at gyms sa Antananarivo, kapitolyo ng bansa.
Sa northern at central Mozambique, ay sinira ni Ana ang 10,000 mga bahay, dose-dosenang mga eskuwelahan at mga ospital at pinabagsak ang mga linya ng kuryente.
Sa Malawi ay nagdeklara na ang gobyerno ng isang state of natural disaster.
Marami ring lugar sa Malawi ang nawalan ng suplay ng kuryente, matapos abutin ng tubig baha ang generating stations.
Ayon sa national power utility . . . “Our priority now is restoring power to health establishments, water treatment distribution systems, and schools.”
Tinataya naman ng Mozambique weather service na may isa pang mabubuong bagyo sa Indian Ocean sa mga susunod na araw, kung saan inaasahang hanggang anim na tropical cyclones pa ang darating bago matapos ang rainy season sa Marso.
Hanggang ngayon ay ina-asses pa rin ng rescue workers at ng mga awtoridad sa tatlong nabanggit na mga bansa ang naging lawak ng pinsala ng bagyo.