74 tax evasion cases na nagkakahalaga ng halos P4-B, inihain ng BIR sa DOJ
Pitumput-apat na reklamo ng tax evasion ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) at sa iba’t ibang piskaya sa bansa dahil sa hindi nabayarang buwis na P3.58 billion.
Sa nasabing bilang, 53 tax evasion cases ay inihain sa DOJ habang ang 21 ay sa prosecution offices sa ibang lugar laban sa iba’t ibang pribadong korporasyon at indibiduwal.
Pinakamalaki sa hinahabol na tax liabilities ay mula sa mga tax evader sa Makati City na nagkakahalaga ng mahigit P1.72 billion
Pinangunahan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui ang paghahain ng reklamo kasama ang iba pang mga opisyal ng kawanihan.
Ang respondents ay kinasuhan ng mga paglabag sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997.
Kabilang na rito ang Willful Failure to Pay Taxes; Willful Attempt to Evade or Defeat the Payment of Taxes Due; at Willful Failure to Pay/Remit its Income Tax Liabilities.
Ang hakbangin ay bahagi ng Run After Tax Evaders program ng BIR.
Ayon kay Lumagui, karamihan sa respondents ay nagdideklara ng babayarang buwis pero hindi naman binabayaran.
Sinabi ni Lumagui na susunod nilang kakasuhan ang traders na nakumpiskahan kamakailan sa nationwide raid ng BIR ng mga smuggled na sigarilyo.
Moira Encina