76 years old na lolo, nahirapang makakuha ng ayuda dahil ‘napalitan’ ang apelyido
Pahirapan rin ba ang pagkuha mo ng ayuda dahil ang pangalan mo ay wala sa listahan? Subalit nang hanapin mo ay nakalista ka naman pala, pero iba ang nakasulat na apelyido? Siguradong kang ikaw iyon dahil pareho ng first name at middle name mo, at dati ka na ring nakakuha ng ayuda noong unang nagbigay nito ang gobyerno.
Ito ang karanasan ni Alejandro Lomboy Sibayan, 76 years old ng Barangay Ampid 1, San Mateo, Rizal.
Ang problema ay ipinaabot sa Radyo Agila ng kanyang anak na si Divina:
“Noong Martes Abril 13, 2021, araw na nakatakda upang sana ay madama man lang ang totoong ayuda mula sa pamahalaan, subalit, nakalulungkot na karanasan ang aking napala at minsan pang nagpatunay na baka nga wala nang puwang ang “good governance sa bansa natin.
Umaga pa lang po, nakatanggap ako ng tawag sa Tatay ko, at sinabi sa akin na nakapila na siya pero wala pa raw ang magbibigay ng ayuda. Pero nalaman ko na hindi pala dun siya dpat nagpunta dahil sa ibang lugar po pala ang venue ng SAP distribution.
Sa takot ko pong baka ma-exposed pa ang aking Tatay sa COVID-19 virus, pinagmadali ko sIyang umuwi na at sinabi ko po na ako na po ang pipila para sa kanya.
Kaya’t sinikap kong makontak ang aking kaibigan upang malaman ang sistema ng pagkuha at pati na ang requirements kapag representative ang kukuha,
Ngunit nang makausap ko siya sa telepono, nalungkot ako sa balitang narinig ko, WALA RAW SA MASTER LIST ang pangalan ni Tatay.
Siyempre, nagpuyos sa galit ang aking ama sapagkat hindi raw dapat mangyari iyon sapagkat ayon sa kanya, nakatanggap siya sa unang ayuda, Paanong mawawala siya sa ikalawa.
Pagkatapos naming mag usap ng aking ama, tumawag po ako sa isa pang kaibigan upang tanungin kung gaano katotoo iyon. Napanatag ako sa sagot niya, dahil makikita ko naman daw sa Facebook page ang nasabing listahan.
Natagpuan ko naman po ang link ng barangay kung saan nakalista dapat ang pangalan ng aking Tatay.
Tumambad sa akin ang isang simpleng paraan ng pagmamali. Sa madaling salita, binago nila ang pangalan ng tatay ko upang lumabas nga na wala siya sa listahan. ito po ang aking nakita:
Ang full name po ng tatay ko ay ALEJANDRO LOMBOY SIBAYAN, pero napalitan ang apelyido ng SICAT.
Isang katunayan na totoong maģdudulot ng kalituhan sa mga dapat na kukuha ng ayuda. Ayuda po hindi po sana problema.
Nakakalungkot pero bakit parang habang naghihirap ang marami dahil sa pandemya, ay may ilang nakikita ito bilang isang oportunidad na makagawa ng hindi tama.
Sana po ay matulungan ninyo ang ilan pang wala daw sa listahan pero ang totoo ay pinalitan pala ang pangalan.
Nanghihingi pa sila ng “certificate of oneness”, kuwento pa ng tatay ko, dahil yung kapitbahay nila ay ganoon din daw ang nangyari.”
(Note: Nakuha ni tatay ang kanyang ayuda dahil maraming nakakakilala sa kanya sa lugar. Ibinahagi ng kanyang anak ang kuwentong ito upang maisaayos ang sistema at matulungan ang iba pang nahihirapang kumuha ng ayuda)
Noong Lunes ng gabi, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DILG na imbestigahan ang mga reklamo sa pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong mamamayan na apektado ng ipinatupad na ECQ.