79 Quarantine control points, nakatalaga sa mga border ng NCR Plus area – PNP
Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine National Police sa mga itinalagang quarantine control points sa mga hangganan ng Metro Manila Plus areas.
Ngayon ang ikalawang araw ng pagpapatupad muli ng mga border checkpoint, ilang araw bago ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region.
Sa panayam ng Balitalakayan, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. General Rolando Olay na nasa 79 quarantine control points ang nakatalaga sa mga border ng NCR Plus.
Tanging mga Authorized Person Outside Residence (APOR) lamang ang papayagang dumaan sa mga border at mga tinatawag na consumer APOR na bibili ng mga basic needs gaya ng pagkain at gamot.
Paalala ni Olay sa mga APOR, iprisinta lamang ang kanilang company ID at ito ay kikilalanin naman ng mga nakatalaga sa checkpoints.
Mahigpit aniya ang direktiba ni PNP Chief General Guillermo Eleazar sa mga pulis na maging magalang at respestuhin ang karapatan ng mamamayan, walang parurusahan at pahihiyain.
Maliban sa mga APOR, may mga itinalaga ring fast lanes para sa nagbibiyahe ng essentials gaya ng food deliveries at iba pang mahahalagang cargo at may bukod din aniyang lane para sa mga naka-motorsiklo upang makontrol at mapabilis ang daloy sa mga checkpoint.
Sinabi pa ni Olay na maliban sa control points, nagtalaga rin ng ibang law enforcers sa loob ng NCR Plus na titiyak at magbabantay sa mga mamamayan kung nasusunod ang minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, shield at physical distancing.
Pina-activate din ng PNP ang kanilang Oplan Bandillo alinsunod sa kautusan ni Gen. Eleazar upang mag-ikot sa mga lugar sa NCR at magbigay babala sa ating mga kababayan sa mga umiiral na health protocol at mamonitor na rin ang seguridad sa loob ng NCR.
Sa harap nito, humingi ng pakikiisa ang PNP sa publiko at paumahin na rin dahil sa posibleng abala na dulot ng mga nakatalagang checkpoint.
PNP spokesperson Brig. Gen. Rolando Olay:
“Ang liderato ng PNP under Chief PNP Guillermo Eleazar ay humihingi ng pasensya sa magiging abala sa ating mga kababayan sa mga quarantine control points at hinihingi natin ang kanilang kooperasyon. Necessary ito na gawin ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 Delta variant na nakita naman natin ang epekto sa ibang mga bansa na mabilis ang naging pagsipa ng mga kaso. Nakahandang tumulong ang PNP sa mga doktor at nurse sakaling kailanganin ang kanilang tulong sa pagbabakuna sa NCR na nasa ilalim ngayon ng mahigpit na quarantine status”.