8 sugatan, 2 kritikal sa pamamaril sa Jerusalem
Inaresto ng Israeli police ang isang suspek sa pamamaril sa isang bus sa Jerusalem Old City na ikinasugat ng walo-katao, kung saan dalawa ang kritikal kabilang ang isang buntis.
Sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na si Kan Eli Levy, hawak na nila ang suspek sa pag-atake na nangyari hindi kalayuan mula sa Western Wall, na itinuturing na holiest prayer site ng mga Hudyo.
Sa kuwento ng bus driver na si Daniel Kanievsky, isang gunman ang nagpaulan ng bala sa public transport bus at sa mga taong nasa labas nito, sa isang pre-dawn attack sa Tomb of David bus stop.
Ayon kay Kanievsky, “I was coming from the Western Wall. The bus was full of passengers. I stopped at the station of the Tomb of David. At this moment, the shooting started. Two people outside I saw falling, two inside were bleeding. Everybody panicked.”
Unang sinabi ni Zaki Heller, tagapagsalita ng emergency medical services ng Israel na Magen David Adom (MDA), anim na lalaki at isang babae ang sugatan bago ito itinaas ng pulisya sa walo.
Isa sa mga nasugatan ay isang buntis, na ang dinadalang sanggol ay lumabas matapos ang pag-atake.
Ayon sa isang tagapagsalita ng Shaarei Tsedek Hospital, nasa malubhang kondisyon ang babae. Kritikal din ang sanggol na isinilang nito nguni’t stable na.
Ang pamamaril ay nangyari isang linggo matapos ang tatlong araw na hidwaan sa pagitan ng Israel at Islamic Jihad militants sa Gaza.
Pinuri naman ng Palestinian Islamist group na Hamas, na kumokontrol sa Gaza Strip, ang ayon sa kanila’y isang “heroic operation” nguni’t hindi inangkin ang responsibilidad sa pag-atake.
@Agence France-Presse