9 mayors na nagpabakuna laban sa COVID-19, pinakakasuhan, anak ng artista, pinaiimbestigahan
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makasuhan sa Ombudsman ang 9 na mayor na nagpaturok ng COVID-19 vaccine kahit hindi sila kabilang sa priority list ng mga dapat bakunahan.
Pinaiimbestigahan rin ng Pangulo kung bakit nabakunahan sa Paranaque ang isang anak ng artista na hindi niya pinangalanan, gayong wala rin ito sa priority list.
Sa listahang hawak ni Pangulong Duterte, ang mga nasabing alkalde ay kinabibilangan nina: Alfred S. Romualdez ng Tacloban City, Leyte; Dibu S. Tuan ng T’Boli, South Cotabato; Sulpicio F. Villalobos ng Sto. Nino, South Cotabato; Noel Rosal ng Legaspi City, Albay; Abraham M. Ibba ng Bataraza, Palawan; Elenito Pena ng Minglanilla, Cebu; Victoriano Torres III ng Alicia, Bohol; Virgilio Mendez ng San Miguel, Bohol; at Arturo Piollo ng Lila, Bohol.
Inatasan ng Pangulo ang DILG na padalhan ng show cause order ang mga nabanggit na mayor upang magpaliwanag kung bakit hindi nila sinunod ang priority list sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Maaari umanong makapinsala sa vaccination program ng bansa ang pagsingit sa priority list ng mga nasabing mayor.
Nauna nang binigyang diin ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe na dapat sundin ng Pilipinas ang priority list dahil ito ang hinihinging kundisyon ng WHO at ng COVAX Facility, kasama na ng donor partners at members upang magtuloy-tuloy ang suplay ng bakuna sa bansa.
Batay sa nasabing priority list, ang unang dapat munang mabakunahan ay health workers o frontliners sa mga pampubliko at pribadong ospital o health facilities.
Susunod dito ang mga senior citizen, 60 years old pataas, kasama ng mga may karamdaman.