Vaccine hesitancy sa bansa, bumaba – OCTA research group
Bumaba na ang porsyento ng vaccine hesitancy sa bansa.
Sa panayam kay Dr. Guido David ng OCTA Research group, hindi lamang adult population kundi maraming mga senior citizen na ang nagpahayag ng pagnanais na mabakunahan kontra Covid-19.
Ang nagiging problema lamang aniya ay ang mobility o pagbiyahe ng mga matatanda patungo sa mga vaccination site dahil karamihan sa kanila ay hirap nang maglakad.
Marapat siguro na mabakunahan na lamang sa bahay ang mga matatanda at inirerekomenda rin ng grupo na kung i-house to house vaccine sila ay Johnson and Johnson vaccine ang gamitin upang isang turukan lamang at hindi na pabalik-balik pa ang mga bakunador.
Umaasa si Dr. David na pagsapit ng Agosto ay umabot na sa 20 percent ang kabuuang nabakunahan sa bansa na malaking bagay para maiwasan ang pagkahawa ng mas mapanganib na Delta variant.
“Base sa mga nakausap natin sa local government, hindi na sila hesitant pero yung pagpunta sa bakunahan or yung iba hindi naman tekki so maganda matulungan din natin sila. inirerecommend nga natin na johnson and johnson ang gamitin sa mga matatanda para isang dose na lang at hindi na sila babalik. so parang connected sa mobility ang hesistancy ng mga seniors“.- Dr. Guido David, Fellow, OCTA Research Group