Mga brgy officials sa QC nagbahay bahay para mamahagi ng quarantine pass
Isang araw bago ang implementasyon ng enhance community quarantine sa Metro manila nagbahay bahay ang ilang barangay officials sa Quezon city para mamahagi ng quarantine pass.
Hindi na pinapunta sa mga barangay hall ang iisyuhan ng pass para hindi magkumpulan ang mga tao.
Nais ring makatiyak ng mga barangay officials na isa sa bawat bahay lang ang papayagang makalabas sa ipatutupad na dalawang linggong lockdown kahit pa dalawa hanggang sampung pamilya ang nakatira.
Isa ang barangay holy spirit sa may mataas na kaso ng nagkaroon ng COVID- 19.
Katunayan animnaput tatlo na ang bagong naitatalang kaso sa baranggay kung saan tatlong compound na rin ang isinailalim sa lockdown pero hindi pa makumpirma kung ito ay Delta variant.
Sinabi ng kagawad ng barangay, ang quarantine pass dapat bitbit kapag lalabas ng bahay para bumili sa tindahan, mamili sa mga palengke o grocery, botika o iba pang essentials goods.
Babala ng mga lokal na opisyal huhulihin ang mga lalabas ng walang quarantine pass at maaring pagmultahin ng hanggang isang libong piso depende sa ipinasang ordinansa ng isang siyudad.
Payo nila sa mga residente magsuot ng face masks kahit nasa loob ng bahay lalo na kung malaki ang pamilya at siksikan sa loob ng bahay.
Itoy para hindi mahawa ng virus sakaling magkasakit ang isa sa mga miyembro ng pamilya.
Meanne Corvera