Suspek sa human trafficking sa Cotabato City, arestado
Huli ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM) sa entrapment operation ang isang suspek sa human trafficking sa Cotabato City.
Kinilala ng NBI ang suspek na si Bai Sofia S. Tuas.
Nakatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa sinasabing paglaganap ng human trafficking activities sa Cotabato City.
Dahil dito, nagsagawa ng verification at validation ang NBI-BARMM kung saan natukoy ang isang alyas Bea o alyas Pia bilang isa sa mga salarin.
Matapos ang dalawang linggo ay nagkaroon ng komunikasyon ang mga tauhan ng NBI-BARMM kay alyas Bea at nagkasundo na magbibigay ito ng siyam ng female sex workers sa halagang P5,000 bawat isa.
Napagkasunduan rin ng undercover agent at ng suspek na magkita sa isang hotel sa Cotabato City kung saan dadalhin ang mga babaeng sex workers.
Inaresto ng mga operatiba ng NBI ang suspek matapos na tanggapin ang marked money mula sa undercover agent.
Nasagip rin ng NBI kasama ang mga kinatawan ng Ministry of Social Welfare and Development ng BARMM ang siyam na babaeng trafficking victims.
Iniharap na sa inquest proceedings sa piskalya sa Cotabato City ang suspek kung saan inireklamo ito ng paglabag sa Expanded Anti- Trafficking in Persons Act.
Moira Encina