Hinihinalang drug den sa Davao City sinalakay ng PDEA
Arestado ang limang lalaki matapos salakayin ng Phil. Drug Enforcement Agency Regional Office 10 (PDEA-10), ang isang hinihinalang drug den sa Kawayan Drive, Matina, Davao City.
Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang PDEA-10 para arestuhin ang isang Antonio Severino alyas Roy na residente rin sa nabanggit na lugar.
Sa pamamagitan ng poseur buyer, isang pakete ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ang nabili sa suspek sa halagang 1,000.
Subalit bukod kay Severino ay inaresto na rin ang mga kasama nito na nagkataong nagpa-pot session sa lugar.
Nakilala ang mga nahuli na sina Lester Antonio, Sernie Antonio, John Ricar Ouano, Ervin Felicida, at isang menor de edad na iniligtas ng mga operatiba.
Nakumpiska mula sa mga ito ang anim na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 250 gramo, na may street value na 30,000.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga naaresto, na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
Noreen Ygonia