PRRD, hinamon ang Senado na kuwestyunin sa SC ang kautusan niyang nagbabawal dumalo sa Senate hearing ang Exec. Dept. officials
Naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya babawiin ang inilabas na kautusan na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na nasa ilalim ng Executive Department na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y maanumalyang medical COVID-19 supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People, nais niyang dalhin ng mga Senador sa Korte Suprema ang isyu ng banggaan ngayon ng Malakanyang at Senado.
Sinabi ng Pangulo na handa ang Malakanyang na ipagtanggol sa Korte Suprema ang legalidad ng Memorandum Order na nagbabawal sa mga opisyal ng Executive Department na dumalo sa pagdinig ng Senado dahil sa paniniwalang hindi na in-aid of legislation ang nangyayari kundi in- aid of election.
Ayon sa Pangulo, naìs niyang matala sa kasaysayan ng bansa kung papaano inaabuso ng Senado ang kanilang kapangyarihan.
Inihayag ng Pangulo, pinoprotektahan lamang niya ang karapatan ng mga opisyal at tauhan ng Executive Department sa anumang pang-aabuso at pambabastos ng Senado.
Part of Pres. Duterte’s statement:
“Ito ang hindi nalaman ng Senado. Tawag nang tawag maski walang kakwenta-kwenta at hindi naman kayo tanungin. Kabalastugan na nga ito eh. That’s why I want them to go the Supreme Court. Gusto kong makita ng footage ng behavior nila during I want it recorded in history. It’s… iyong pangyayari sa Senate and how they behave badly. Gusto kong dalhin nila sa Korte Suprema. Eh iyong prohibiting people from the Executive department from testifying. There ain’t no way that I will withdraw it. You can do your worst and I will do mine. Kayo ang nag-umpisa nito eh. May trabaho itong si Secretary Galvez tapos ganoon na lang ang gawain ninyo. You know, you derail the proper handling and delivery of the vaccines”.
Vic Somintac