Mas mahabang dining hours sa mga restaurant sa Tagaytay, pinayagan na
Pumayag na ang lokal na pamahalaan ng Tagaytay City, na magkaroon ng mas mahabang dining hours ang mga restaurant sa lungsod simula ngayong araw, October 16 hanggang 31.
Batay sa Executive Order No. 394 ni Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino, maaari nang mag-operate hanggang alas-10:00 ng gabi ang mga restaurant sa lungsod.
Subalit mananatili sa 30% ang maximum seating capacity sa mga restaurant, habang 50% seating capacity naman ang al fresco dining.
Mananatili rin sa maximum na 30 attendees ang pinapayagan para sa mga kasal at iba pang events.
Samantala, binuksan na ng Tagaytay local government unit ang kanilang COVID-19 vaccination services para sa mga residente ng ibang lungsod at mga residente ng bayan ng Cavite.
Una nang inanunsiyo ng gobyernong panglungsod, na nasa 70% ng kabuuan ng kanilang populasyon ang nabakunahan na, at nakamit na nila ang herd immunity.