Zamboanga City, muling inilagay sa mas mahigpit na quarantine dahil sa paglobo muli ng Covid-19 cases
Muling isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Zamboanga city dahil sa muling paglobo ng mga kaso ng Covid-19.
Hanggang nitong October 15, batay sa Covid-19 advisory ng Zamboanga city, umakyat sa higit 2,700 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa lungsod, huling araw ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ).
Dahil dito, pumalo na sa 18,552 ang kabuuang kaso ng virus sa lungsod na may 801 mga namatay at 14,975 recoveries.
Nasa MECQ rin ang buong Zamboanga peninsula dahil sa pagdami ng mga pasyente ng virus infection sa mga pagamutan.
Ayon kay City Health officer chief Dr. Dulce Miravite, umabot na sa 85.9 percent critical level ang hospital occupancy rate sa lungsod.
Nakapaloob sa Executive Order 687-2021 na inisyu ni Mayor Isabelle Climaco, ang pagpapatupad ng 10:00 pm to 4:00 am curfew at tanging ang mga may quarantine pass lamang ang papayagang lumabas ng bahay.
Hindi rin araw-araw ang magiging paglabas dahil may mga itinakdang araw ng paglabas ng bawat komunidad.
Sa ilalim ng MECQ, suspendido ang mga leisure travel at ang mga biyahero ay maaaring pumasok lamang sa Licomo, Limpapa, mga airport at seaport borders.
Pinapayagan naman ang maritime at aviation operation alinsunod sa guidelines ng Department of Transportation.
Alas-5:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi lamang, Lunes hanggang Sabado ang magiging operasyon ng public buses na may mga provincial routes.
Epektibo rin ang liquour ban sa panahon ng MECQ.