Hindi bababa sa 25 katao, patay sa landslides at mga pagbaha sa southwest India
Hindi bababa sa 25 katao ang namatay sa landslides at mga pagbaha dulot ng malakas na mga pag-ulan sa India.
Ayon sa mga opisyal, nasa 11 bangkay ang natagpuan sa Idukki district at 14 na iba pa sa Kottayan district, matapos makaranas ng landslides at flashfloods ang nabanggit na mga lugar.
Ayon kay Kerala Chief Minister Pinarayi Vijayan, libu-libong katao rin ang inilikas at hindi bababa sa isanglibong relief camps ang itinayo.
Tumulong naman ang army, navy at airforces sa flood relief at rescue operations.
Hindi pa masabi ng mga opisyal kung gaano karami ang nawawala.
Sa pamamagitan naman ng tweet ay ipinarating ni Prime Minister Narendra Modi ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi, at sinabing kumikilos na ang mga awtoridad para tulungan ang mga naapektuhan o tinamaan ng delubyo.
Ayon sa India Meteorological Department, ang malalakas na mga pag-ulan na dulot ng isang low pressure area sa southeastern Arabian Sea at Kerala, ay inaasahang hihina na ngayong Lunes.