‘Mix and match’ Covid boosters, maaaring magdulot ng mas malakas na immune response
Inihayag ng drug watchdog ng European Union (EU), na ang paggamit sa tinatawag na ‘mix & match’ Covid-19 vaccine boosters ay maaaring makapagbigay ng mas malakas na immune response, kaysa panatilihin ang paggamit ng iisang uri lamang ng bakuna para sa booster shot.
Ayon sa European Medicines Agency (EMA), pinag-aaralan nila ang datos upang malaman kung susunod sila sa naging desisyon noonv Miyerkoles ng US authorities, na payagan ang paggamit ng iba’t-ibang bakuna para sa follow-up shots.
Ang Pfizer-BioNTech, Moderna, Johnson & Johnson at AsttaZeneca vaccines ay awtorisado na ng EU, ngunit ang Pfizer lamang ang pinahintulutang gamitin sa booster shot para sa adults.
Ayon kay Marco Cavaleri, head ng vaccine strategy ng EMA . . . “We are seeing some promising results from studies that confirm that this approach would trigger, with certain vaccine combinations, a stronger immune response than when the same vaccine is used for an additional shot.”
Inaprubahan na ng ilang mga bansa ang Covid booster shot upang palakasin pa ang immunity ng mga taong nabakunahan na, ngunit ang proteksiyon ay maaaring bumaba makaraan ang ilang buwan, bagama’t karaniwang ang ginagamit ay ang kaparehong uri ng bakuna na unang itinurok sa kanila.
Lumitaw sa isang pag-aaral na inilabas sa Estados Unidos noong nakalipas na linggo, na ang mga taong nabakunahan ng J&J vaccine na gaya ng AstraZeneca ay gumagamit ng viral vector technology , ay maaaring makinabang mula sa isang booster dose ng messenger-RNA vaccine gaya ng Pfizer o Moderna.
Ayon kay Cavaleri . . . “Messenger RNA vaccines seem to be working quite well as boosters and are really able to mount quite a robust immune response. Overall, it seems that the strategy is something that all types of vaccines could be benefiting from.”
Nakatakda ring pagdesisyunan ng Amsterdam-based EMA sa October 25, kung aaprubahan ang Moderna boosters.
Una nang sinabi ng Pfizer, na ang booster shot ng kanilang bakuna ay 95.6% effective laban sa symptomatic infection.
Samantala, inihayag ng EMA na inaasahang mapagpapasyahan na rin nila sa loob ng tinatayang dalawang buwan, kung papayagan na rin ang Pfizer booster shot sa mga batang edad 5-11, matapos magsumite ang manufacturers nito ng datos noong nakaraang linggo.
Dagdag pa ni Cavaleri, inaasahan din na masisimulan na ng EMA sa susunod na linggo ang pagrepaso sa isang oral Covid drug na gawa ng US pharmaceutical firm na Merck.
(AFP)