Dalawang hinihinalang frat members, inabsuwelto ng SC sa kasong hazing

Ipinawalang-sala at ipinagutos ng Korte Suprema na palayain ang dalawang hinihinalang fraternity members na una nang hinatulang guilty sa kasong hazing.

Sa desisyon ng Supreme Court Third Division, sinabi na nabigo ang prosekusyon na mapatunayan na guilty beyond reasonable doubt sina Carlos Paulo Bartolome at Joel Bandalan sa paglabag sa Anti- Hazing law.

Ang kaso ay kaugnay sa pagkamatay noong 2009 ng college student na si John Daniel Samparada ng Lyceum of the Philippines sa Cavite.

Kinatigan ng Supreme Court ang petisyon nina Bartolome at Bandalan at binaligtad ang desisyon ng Court of Appeals na pumabor sa hatol ng Imus, Cavite Regional Trial Court noong 2014 laban sa dalawa.

Sinabi ng SC na matapos ang maingat na pagrebyu nito sa kaso at mga ebidensya ay hindi ito kumbinsido na guilty beyond reasonable doubt ang mga petitioners.

Paliwanag ng Korte Suprema, walang direktang ebidensya na nag-uugnay kina Bartolome at Bandalan sa pagkamatay ni Samparada.

Ang circumstantial evidence anila ng prosekusyon na pinagbatayan ng trial court sa pag-convict sa dalawa ay bigo na ma-establish ang mga elemento ng hazing.

Ipinunto ng SC na walang iprinisinta ang prosekusyon na ebidensya o testigo na may nangyaring hazing at ang biktima ay recruit, neophyte o aplikante ng Tau Gamma Phi Fraternity.

Ayon sa dalawa, nakilala lamang nila si Samparada nang pumunta sa bahay ng isang Ivan Marquez noong October 22, 2009 para mag- night swimming.

Sina Bartome at Bandalan ang nagdala sa biktima sa ospital matapos itong bumagsak na lang bigla at napatama ang ulo sa semento at ininda na hirap itong makahinga.

Moira Encina

Please follow and like us: