2 lalawigan sa Canada, hindi na magpapatupad ng mandatory Covid vaccination sa hospital workers

Photo: AFP

Inihayag ng mga awtoridad sa pinakamatataong lalawigan ng Canada, na hindi nila pipiliting magpabakuna ang kanilang health care workers, at sinabing lubhang makaaapekto sa mga ospital ang mass layoff ng mga staff.

Ang desisyong ito ng gobyerno ng Ontario at Quebec, mga lalawigan na pinakamalubhang tinamaan ng pandemya, ay magkahiwalay na inanunsiyo.

Una nang itinakda ng Quebec ang October bilang deadline para maging fully vaccinated na ang kanilang health care workers, ngunit iniurong ito sa November 15 sa pag-asang mas marami pa ang magpapabakuna.

Sinabi ni Quebec Health Minister Christian Dube na nasa 14,000 o 3% ng kanilang health care workers na ayaw magpabakuna ang maaaring piliin na lamang ang malimit na pagsasailalim sa Covid test.

Aniya, ginawa na nila ang lahat ng paraan para mabakunahan ang natitirang 3%, na binubuo ng mga doktor at nurses, ngunit hindi niya maunawaan kung bakit tumatanggi pa rin ang mga ito na magpabakuna.

Ayon kay Dube . . . “Unfortunately, our health network in our current situation cannot do without these people.”

Ayon naman kay Ontario Premier Doug Ford, kung titimbangin ang magiging epekto ng pag-alis ng libu-libong health care workers nang dahil lang sa hindi pagpapabakuna, nagdesisyon siya na huwag na lamang itong gawing mandatory.

Sa halip, ipinababahala na niya sa indibidwal na mga ospital kung paano nila ipatutupad ang pagbabakuna.

Tinukoy naman ni Ontario Health Minister Christine Elliot, ang epekto ng mandatory vaccines sa iba pang hurisdiksiyon, gaya ng British Columbia na kinailangang magkansela ng surgeries at diagnostic tests matapos masuspinde ang 3,000 health care workers na hindi pa bakunado.

Ipinag-utos ng Ottawa ang pagbabakuna para sa 300,000 federal bureaucrats maging sa sinumang bibiyahe lulan ng eroplano o tren sa Canada, ngunit hindi binanggit kung ilang federal workers ang hindi nakasunod sa October 30 deadline para magkaroon sila ng “proof of vaccination.”

Simula nitong Lunes, inanunsiyo ng Air Canada, WestJet at Toronto transit agency ang suspension without pay sa higit 1,200 mga manggagawa dahil sa kabiguang magpabakuna. (AFP)

Please follow and like us: