Filipino swimmers, pinuri ang bubble setup sa Clark, New Clark City sports facilities
Pinuri ng Filipino swimmers ang matagumpay na bubble hosting ng Philippine Swimming Inc., (PSI) Swimming National Selection (SNS) Meet sa New Clark City at Clark Freeport Zone.
Pinasalamatan nila ang organizers dahil binigyan sila ng pagkakataon para ligtas na makabalik sa kumpetisyon, matapos ang higit isang taon bunsod ng pandemya.
Ang Bases Conversion and Development Authority sa pakikipagtulungan ng Clark Development Corporation at PSI, ay nag-host ng kabuuang 71 swimmers sa SNS Meet mula October 22-24 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Ang bubble participants ay pansamantalang namalagi sa Hotel Stotsenberg sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Ito ang unang kumpetisyon na isinagawa sa New Clark City Aquatics Center mula noong 30th Southeast Asian Games noong 2019, ilang buwan bago nagkaroon ng pandemya sa bansa.
Ito rin ang unang local swimming competition na pinangasiwaan ng PSI mula noong 2019 Philippine National Open, sa naturan ding pasilidad.
Maraming kalahok na swimmers ang nagpahayag ng katuwaan dahil nagkaroon sila ng partisipasyon sa isang local competition sa kabila ng Covid-19 pandemic.
Pinuri rin ng PSI bubble participants ang New Clark City Aquatics Center dahil sa world-class pools at facilities na napanatili ang magandang kondisyon sa kabila ng bumagal na sports activities.
Sa kabila ng mga pagbabago sa sporting events dahil sa bubble format, kinikilala ng mga kalahok sa SNS na kailangan ang mahigpit na health at safety arrangements bilang bahagi ng new normal.
Lumahok ang local swimmers sa PSI event para magkaroon ng tyansang mag-qualify para sa 15th Fédération Internationale de Natation (FINA) World Swimming Championships 2021 sa Abu Dhabi, United Arab Emirates na gaganapin sa Disyembre, at sa 19th FINA World Championships 2022 na gaganapin naman sa Fukuoka, Japan sa Mayo ng susunod na taon.