Hindi bababa sa 10 natabunan ng debris, matapos gumuho ang isang gusali sa Turkey
Hindi bababa sa 10 katao ang natabunan ng debris, matapos gumuho ang dalawang palapag na gusali sa eastern Turkey.
Nangyari ang aksidente sa isang mataong kalsada sa Malatya City, habang ang mga tindahan ay puno ng mga residenteng namimili bago umuwi galing sa trabaho.
Ayon sa mga saksi at sa media reports, gumuho ang gusali habang nire-renovate ito na nagresulta sa pagkasira ng isa sa mga dinding na naghihiwalay sa dalawang ground floor restaurants.
Sinabi ni Regional governor Aydin Barus, na nasa 20 katao ang pinaniniwalaang nasa loob ng gusali nang gumuho ito bandang ala-5:00 ng hapon (local time).
Hindi pa malinaw ang sanhi ng pagguho, ngunit isinisisi ito ni Barus sa isinasagawang renovation sa gusali. (AFP)