WHO nanawagan para sa dagdag na targeted vaccination, bunsod ng Covid surge sa Europe
Nanawagan ang World Health Organization (WHO) para sa dagdag na targeted vaccination efforts, para matiyak na mas maraming “vulnerable” sector sa buong mundo ang mababakunahan, ngayong muling lumobo ang mga kaso ng Covid-19 sa Europe.
Ayon sa UN health agency, ang Europe na muli na namang naging sentro ng pandemya ay nakapagtala ng halos 2 milyong Covid cases noong isang linggo.
Ayon kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus . . . “That is the most in a single week in the region since the pandemic started. It is not just about how many people are vaccinated. It is about who is vaccinated.”
Aniya . . . “It makes no sense to give boosters to healthy adults, or to vaccinate children, when health workers, older people and other high-risk groups around the world are still waiting for their first dose.”
Parami ng parami ang mga bansa na nagbibigay ng booster shot sa mga bakunado na, sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng WHO para sa isang moratorim sa booster shot hanggang sa katapusan ng taon, upang ibigay muna ang mga bakuna sa mahihirap na mga bansa.
Sinabi pa ni Tedros . . . “Everyday, there are six times more boosters administered globally than primary doses in low-income countries. This is a scandal that must stop now.”
Sinabi naman ni WHO emergencies director Michael Ryan, na kailangan din ng dagdag na targeted vaccination efforts sa mayayamang mga bansa na may access sa mga bakuna, ngunit maraming ayaw magpabakuna.
Tinukoy ni Ryan na sa mga bansang may malawak at mataas na vaccination coverage, ang tumataas na kaso ng Covid-19 ay hindi magreresulta sa mas maraming hospitalisations at pagkamatay, dahil ang mga bakuna ay napaka epektibo sa pagprotekta laban sa malalang sakit.
Subalit nagbabala na kahit sa mga bansa kung saan ang overall vaccination numbers ay mataas, mabilis pa ring mapi-pressure ang health systems kung malaking bilang ng vulnerable populations ang hindi pa bakunado.
Aniya . . . “If you’re in Europe right now, where we’ve got that intense transmission, and you’re in a high risk of vulnerable group or an older person and you’re not vaccinated, your best bet is to get vaccinated.”
Binanggit niya ang pinakabagong pag-aaral sa Britanya na nagpapakita na ang isang taong hindi pa bakunado, ay 32 ulit ang panganib na mamatay ngayong pandemya kaysa taong bakunado na. (AFP)