Global crime syndicate, nasa likod ng text scams surge –NPC
Ipinatawag na ng National Privacy Commission (NPC) ang mga data protection officers ng mga telecommunication companies, bangko, at e-commerce platforms kaugnay sa surge ng mga scam text na nanghihingi at gumagamit ng mga personal na impormasyon.
Partikular sa mga pinadalhan ng summon ng NPC ang Globe Telecom, Smart Communications, Dito Telecommunity, Lazada, Shopee, at ilang bangko.
Sa statement, sinabi ni Privacy Commissioner Raymund Liboro na ipinapadetalye nito sa mga kumpanya ang kanilang spam prevention measures.
Nais din ng NPC na makuha ang committment ng mga kumpanya sa paglaban sa mga nasabing scam.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng NPC, ang mga smishing activities kamakailan ay pakana ng global crime syndicate.
Nilinaw ng NPC na hindi isang grupo na nakakuha ng hindi otorisadong access sa mga contact tracing forms gaya ng mga naunang hinala ang nasa likod ng mga scam texts.
Inihayag pa ni Liboro na kung mapatutunayan na totoo ang kanilang initial findings na ang personal data ay ini-exploit ng mga kriminal abroad ay magiging isyu ito ng national security.
Umaasa ang NPC na makabubuo sila ng mas proactive approach sa paglaban sa smishing at iba pang scams sa kanilang pakikipagpulong sa industry players.
Pinayuhan ng NPC ang publiko na maging maingat at huwag magbubukas ng mga suspicious links.
Ayon pa kay Liboro, huwag basta maniniwala sa mga mga mensahe na nagaalok ng madali at high-paying jobs o opportunities dahil posibleng hindi ito totoo at isang scam.
Hinimok din ng opisyal ang mga biktima na maghain ng report laban sa malicious senders lalo na kung sa tingin nila ay nakompromiso ang kanilang personal data.
Moira Encina