Tila sampal sa China, South Africa pinuri ng US sa maagap na pagtukoy sa bagong strain ng COVID-19
Pinuri Ng Estados Unidos ang South Africa dahil sa agarang pagkakatukoy nito sa bagong strain ng Covid na pinangalanan ng World Health Organization (WHO) na Omicron, at pagbabahagi ng impormasyon sa buong mundo.
Isang tila sampal sa pag-handle ng China sa original outbreak ng novel coronavirus.
Ayon sa State Department, kinausap ni Secretary of State Antony Blinken ang international relations and cooperation minister ng South Africa na si Naledi Pandor, at pinag-usapan ang magiging kooperasyon ng dalawang bansa sa pagbabakuna sa mga mamamayan sa Africa laban sa COVID-19.
Batay sa pahayag . . . “Secretary Blinken specifically praised South Africa’s scientists for the quick identification of the Omicron variant and South Africa’s government for its transparency in sharing this information, which should serve as a model for the world.”
Una ay sa ilalim ng administrasyon ni Donald Trump at ngayon sa ilalim ni Pangulong Joe Biden, paulit-ulit na pinuna ng Amerika ang China sa hindi paglalahad sa pinagmulan ng coronavirus, na unang natukoy noong Disyembre 2019 sa lungsod ng Wuhan bago kumalat sa buong mundo, na ikinamatay na ng halos 5.2 milyong tao sa buong mundo.
Agosto ng kasalukuyang taon, naglabas ng ulat ang US intelligence community na nagsasabing hindi ito makagawa ng matatag na konklusyon sa pinagmulan ng virus, sa mga hayop ba o sa isang research lab dahil hindi tumutulong ang China sa imbestigasyon ng US.
Inakusahan din ng Amerika ang Beijing na naghintay pa ito ng matagal bago ibinahagi ang mahalagang impormasyon tungkol sa outbreak, sa pagsasabing nakatulong sana na mapigilan ang pagkalat ng virus kung mas naging transparent lamang ang China sa pag-handle rito.
Ayon kay Biden . . . “The world deserves answers, and I will not rest until we get them. Responsible nations do not shirk these kinds of responsibilities to the rest of the world.”
Ang pandemya ay isa sa maraming pinagmumulan ng matinding tensyon ngayon sa relasyon ng US-China, habang ang dalawang makapangyarihang bansa ay nag-aaway tungkol sa kalakalan, karapatang pantao, at sa isyu ng Taiwan, bukod sa iba pang mga bagay. (AFP)