Isang village sa Samar, runner-up sa UN Best Tourism Villages 2021
Ang nayon ng Tenani sa Paranas, Samar, na kilala sa kanilang “extreme boat ride,” ay isa sa mga runner-up sa Best Tourism Village ng United Nations World Tourism Organization (UNWTO) para sa 2021.
Inanunsiyo nitong Biyernes ng UNWTO, na ang nayon ng Bojo sa Aloguisan, Cebu ay nakapasok din sa talaan ng 44 Best Tourism Villages in the world.
Batay sa social media post ni Department of Tourism 8 (Eastern Visayas) Director Karina Rosa Tiopes . . . “Home to the Ulot Torpedo Boat Adventure Ride and the Paranas Eco-Trail and Birding Site, Tenani will be included in the UNWTO’s Upgrade Program.”
Ayon sa UNWTO, makikinabang ang mga nayon na hindi umabot sa Label criteria sa Upgrade Program kung saan tatanggap ang mga ito ng suporta mula sa UNWTO at partners nito, para makatulong na ma-improve ang mga nakitang kakulangan sa panahon ng evaluation process.
Pasok din sa Upgrade Program ang Ordino, Andorra; Khinalig, Azerbaijan; Koprivshtitsa, Bulgaria; Kaštelir Labinci, Croatia; Agros, Cyprus; Fuwah, Egypt; Western Samos, Greece; Hollókő, Hungary; Biei, Japan; Capulálpam de Méndez, Mexico; Godinje, Montenegro; Gornja Lastva, Montenegro; Oukaimeden, Morocco; Gasura, Rwanda; Gostilje, Serbia; Gorenja Vas, Slovenia; Cantavieja, Spain; Bo Suak, Thailand; at Ruboni, Uganda.
Ang nabanggit na villages ay sumailalim sa ebalwasyon ng UNWTO, batay sa kanilang cultural at natural resources, promotion at conservation ng cultural resources, economic sustainability, social sustainability, environmental sustainability, tourism potential at development at value chain integration, governance at prioritization ng turismo, infrastructure at connectivity, kalusugan at kaligtasan, at seguridad.
Kilala ang Tenani sa Ulot River Extreme Torpedo Boat Ride, kung saan ang isang bahagi ng pinakamahabang ilog ng Samar ay dinarayo na ng mga nature lover at mahihilig sa extreme boat ride.
Ang aktibidad ay bahagi ng Ulot Watershed Ecotourism Loop, na kinaroroonan ng recreation sites gaya ng Taft Philippine Eagle Sanctuary, Pangpang Falls, Can-maanghit Falls, Lusungan Falls, Yabon Falls, Liaw Cave, Silay Cave, Catingcoy Cave, Pugtak Spring, Duloy Spring, Sulfan Spring, at Nasarang Spring.
Ang pag-develop sa naturang site para sa eco-tourism ay nagsimula nang isulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sama-samang pagsisikap upang labanan ang iligal na pagtotroso at magbigay ng alternatibong kabuhayan. Ang Ulot Watershed ay pinamamahalaan ng mga dating illegal logger.
Ang lugar ay mayroong 885 flowering plant species, kung saan 406 dito ay endemic.
Ayon sa International Model Forest Network . . . “The Ulot Watershed has vast water resources. Its annual runoff of 815 million cubic meters is more than enough to provide for the area’s domestic water requirement of about 7.5 million cubic meters, and the total length of its streams is 520 km. The river is accessible by land and air.”
Ang Paranas ay isang second-class town sa lalawigan ng Samar province na may 32,374 populasyon. Ito ay nasa 97 km. hilaga ng Tacloban City, na kapitolyo ng probinsya.