PH Internet speed, patuloy na gumaganda– Ookla Speedtest Global Index report
Patuloy umano sa pagganda ang fixed broadband at mobile download speeds sa bansa.
Batay na rin ito sa Ookla Speedtest Global Index report para sa buwan ng Nobyembre.
Ayon sa Ookla, mula sa dating 71.08Mbps noong Oktubre ay bumilis sa 75.02 Mbps ang fixed broadband speed sa bansa.
Maging ang mobile speed ay bumilis rin umano kung saan mula sa average na 38.12mbps ay nasa 40.37Mbps na ito ngayon.
Simula ng mag-umpisa ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ng Ookla na lumobo na sa 848.42% ang overall download speed improvement para sa fixed broadband at 441.61% para sa mobile.
Naniniwala ang mga telco sa bansa na ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay dahil sa matibay na political will ng Duterte administration.
Malaking bagay umano ang pagsugpo sa red tape sa pagproseso ng mga kinakailangang permits sa pagtatayo ng imprastraktura, gaya ng cellular towers at fiber optic network, na kailangan para sa pagpapabuti at pagpapalakas ng serbisyo at connectivity.
Una rito nanguna ang Pilipinas sa Global 5G Experience report ng Opensignal kung saan naungusan nito ang Taiwan, na dating nangunguna sa global leaderboard para sa 5G vs 4G Download Speed improvement.
Madelyn Moratillo