Milyun-milyon, isinailalim sa virus test sa Xi’an City sa China bunsod ng pagtaas sa kaso ng Covid
Sinimulan na sa lungsod ng Xi’an sa China, ang virus testing sa milyun-milyong mga residente ngayong Martes, matapos magdulot ng pangamba na magkaroon ng mas malawak na hawaan ang pagkaka-detect sa higit 40 bagong mga kaso.
Simula sa kalagitnaan ng nakalipas na taon ay bumagal na ang paglitaw ng mga bagong kaso sa China kung saan unang na-detect ang virus, bunsod ng pagpapatupad ng border restrictions, targeted lockdowns at mahabang mga araw ng quarantine dahil target nito ang isang zero-Covid strategy.
Subali’t nakikipaglaban ngayon ang second-largest economy sa mga local outbreak sa ilang mga syudad, kabilang na sa mga pangunahing industrial hub sa silangan at timog ng China.
Determinado ang mga awtoridad na pigilin agad ito bago dumating ang Beijing Winter Olympics sa Pebrero, at bago magkaroon ng surge bunsod ng “cross-country travel” sa panahon ng Lunar New Year.
Ang Xi’an na isang makasaysayang syudad sa hilagang-kanluran ng China na may nasa 13 milyong populasyon, ay nakapagtala ng 42 mga bagong kaso ngayong araw, kayat ang kabuuang bilang na ng na-detect mula noong December 9 ay 91, batay sa bilang mula sa provincial health commission.
Isinara na rin ng lungsod ng mga eskuwelahan at malalaking indoor recreation venues, habang hinimok naman ang mga residente na iwasang lumabas at magtipon-tipon sa malalaking grupo.
Ang museum na kinaroroonan ng sikat na Terracotta Army — ang 2,000-year-old mausoleum ng unang emperador ng China, ay isasara na simula sa Linggo, ayon sa isang online statement na hindi nagbigay ng petsa kung kailan iyon muling bubuksan.
Hindi lamang ang Covid-19 ang tumama sa Xi’an sa mga nakalipas na linggo, dahil nakapagtala rin ang siyudad ng ilang kaso ng lubhang nakamamatay na haemorrhagic fever sa pagsisimula ng winter.
Hinikayat naman ng mga lokal na awtoridad ang publiko na manatiling kalmado, dahil ang naturang sakit na dala ng mga daga ay pangkaraniwan sa magkabilang panig ng hilagang China, at madali namang maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna. (AFP)