BSP tiwala na makakamit ang target na financial digitalization sa 2023
Kampante ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na makakamit nito ang target na digitalization ng financial transactions sa bansa pagdating ng 2023.
Partikular ang pag-digitalize sa 50% ng retail payments volume at mahimok ang 70% ng Pinoy adults sa formal financial system o mag-bangko.
Binanggit ni BSP Governor Benjamin Diokno na umakyat sa 20.1% ang share ng digital payments sa kabuuang financial transactions sa bansa noong 2020 mula 14% noong 2019.
Naitala naman ng BSP ang 138.8 million registered e-money accounts noong 2020 na may kabuuang bilang ng transaksyon na 1.7 billion.
Sinabi pa ni Diokno na umabot na sa pitong milyon ang basic deposit accounts na may Php 4.8 billion deposits sa unang quarter ng 2021.
Dahil sa financial digitalization, tiwala ang opisyal na makakamit ng bansa nang mas maaga ang mas malakas na post-COVID economy.
Inaasahan din ng BSP governor na magpapatuloy ang kamangha-manghang paglago ng digital financial transactions sa darating pang mga taon.
Moira Encina