Apat na indibiduwal inaresto ng NBI dahil sa pekeng salaping papel
Nahaharap sa mga reklamong illegal possession at paggamit ng pekeng salaping papel sa DOJ sa Maynila ang apat na indibiduwal.
Kinilala ang mga ito na sina Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres, at Marilyn Lucero.
Huli ang apat sa magkahiwalay na operasyon ng NBI- Special Action Unit.
Nakatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa isang grupo na papapalitan sa money changer ang pekeng US banknotes sa Philippine peso.
Dahil dito, umugnay ang NBI-SAU sa Payments and Currency Investigation Group ng Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang lokal na otoridad.
Unang naaresto ng NBI ang dalawa na kinilala na sina Castro at Yalung sa Angeles City matapos na magtangkang papalitan ang US dollars pero nabigo dahil sa peke ito.
Nasabat sa mga suspek ang 78 piraso ng counterfeit US$100 bills.
Isiniwalat naman ng dalawa ang source ng mga pekeng pera kaya ikinasa ng NBI ang follow-up operation.
Natunton ng NBI ang itinuturong pinagmulan ng mga counterfeit bills na sina Zenia Andres at Marilyn Lucero sa bahay ng mga ito sa Bamban, Tarlac.
Nakumpiska mula kina Andres at Lucero ang 78 piraso ng fake US dollar bills at dalawang bundles ng 1000-piso bills.
Kinumpirma naman ng BSP na peke ang mga nakuhang salapi mula sa mga suspek.
Isinalang na sa inquest proceedings sa DOJ ang apat kung saan sinampahan sila ng reklamong paglabag sa Article 168 o Illegal possession and use of false treasury or bank notes sa ilalim ng Revised Penal Code.
Moira Encina