Mga tungkulin, ipagpapatuloy ni Queen Elizabeth II sa ika-70 taon ng kaniyang panunungkulan
Bumalik na sa London si Queen Elizabeth II para ipagpatuloy ang kaniyang public duties, kaugnay ng ika-70 taon niya sa trono.
Alas doce ng tanghali nitong Lunes, ay nagpaputok ang King Troop Royal Horse Artillery unit ng isang 41-gun salute mula sa Green Park, malapit sa Buckingham Palace residence ng reyna sa central London, na siyang simula ng isang taong selebrasyon bilang pagpupugay sa reyna, na may pinakamahabang panunungkulan.
Isa pang 62 shots ang pumailanlang isang oras ang makalipas mula naman sa Tower of London, ang makasaysayang royal palace at tahanan ng Crown Jewels, tatlong milya o limang kilometro sa magkabilang panig ng siyudad.
Ang mga seremonya ay ginanap isang araw bago ang “Accession Day,” o ang petsa noong 1952 nang ang ama ni Princess Elizabeth na si King George VI ay namatay at siya naman ay naging reyna.
Ayon kay Lieutenant Colonel James Shaw, na siyang nangangasiwa sa ceremonial events ng army . . . “For me this is the launch of the Platinum Jubilee, this is where it all starts for all of us and as a country. On June 2 we’ve got the Queen’s Birthday Parade, with 1,400 troops involved in that, and on June 5 there’s the pageant and the armed forces will also be involved.”
Ang Green Park salute ay binubuo ng karaniwang 21-gun salute na may kasamang dagdag na 20 dahil ang lugar ay isang royal park. May panibago ring 21 shots sa Tower of London dahil ang event ay nasa siyudad ng London.
Ang four-day jubilee weekend ay magsisimula sa Huwebes, June 2, bagama’t ang events ay gaganapin sa buong taon bilang pagpupugay sa 95-anyos na reyna.
Noong Linggo, si Queen Elizabeth II ang naging unang British monarch na namuno ng 70 taon, kung saan tahimik na inalala ang makasaysayang petsa sa Sandringham, ang kaniyang estate sa eastern England kung saan namatay ang kaniyang ama.
Halos hindi nakita ng publiko ang reyna simula nang mag-lie low ito noong Oktubre dahil sa isyung pangkalusugan, kung saan kinailangan niyang mag-overnight sa isang pagamutan para sa preliminary tests.
Bilang pagbibigay-diin na ang reyna ay aktibo pa ring nagtatrabaho, nagpalabas ang Buckingham Palace ng isang larawang kuha sa Sandringham ngayong linggo na nagpapakita sa pagdaan niya sa isa sa kaniyang popular na red dispatch boxes na ginagamit para sa government business.
Dumalo rin ang reyna sa isang reception nitong Sabado para sa local residents ng Sandringham, na napaulat na siyang pinakamalaking “in-person public engagement” niya mula noong Oktubre.
Nitong Lunes ay sinabi ng Buckingham Palace na ang reyna ay bumalik na sa kaniyang Windsor Castle residence, sa kanluran ng London, at magpapatuloy na ng kaniyang public duties, na inaasahang kabibilangan ng pagdalo nito sa isang thanksgiving service para sa namayapa niyang asawa na si Prince Philip sa Westminster Abbey sa March 29.
Ayon sa isang source . . . “In addition, her majesty will be resuming her normal duties of audiences, credentials and privy council meetings, continuing to mix both virtual and in-person events.”
Plano ng reyna na dumalo sa isang diplomatic reception sa March 2 at sa annual Commonwealth Service sa Westminster Abbey sa March 14.
Ang apat na araw namang festivities sa unang bahagi ng June ay makakasabay ng anibersaryo ng kaniyang 1953 coronation, kabilang ang isang military parade at music concert, street parties, isang nationwide “Big Jubilee Lunch” at isang “Platinum Pudding Competition.”
Sa kanyang mensahe na naka-address sa publiko na nilagdaan niya ng “Your servant, Elizabeth R,” muling inulit ng Reyna ang una niyang ibinigay na pangako sa kaniyang broadcast sa ika-21 taon niyang kaarawan “na ang aking buhay ay palaging iuukol sa inyong serbisyo.”