Australian nurses, nagwelga
Libu-libong mga nurse sa Sydney, ang pinakamalaking lungsod ng Australia, ang nag-walk out sa trabaho na inirereklamo ang kakulangan ng staff, stress at pagod dahil sa pandemya.
Kahit labag sa strike ban, libu-libong nurses na nakasuot ng scrubs at surgical mask ang nagmartsa sa state parliament dahil sa anila’y hindi na nila matiis na kalagayan.
Nag-cheer ang pulutong ng mga nurse habang isinisigaw ang kanilang galit sa patuloy na kakulangan ng hospital beds, mga kagamitan at matinding pinsalang dulot ng matagal nang krisis na dala ng pandemya.
Bitbit ng mga nurse ang placards kung saan nakasulat ang mga katagang “Nurses are not coping” at “‘Thank you’ doesn’t pay the rent,” habang inaakusahan ang political leaders ng pagwawalang bahala sa kanilang kalagayan.
Sa loob ng dalawang taon, ang medical staff ng Australia ay nagtrabaho sa ilalim ng mahigpit na Covid protocols, habang sinusubukang isagawa ang mga pang-araw-araw na gawain at ilunsad ang isang vaccination program.
Nguni’t nitong nakalipas na mga buwan ay nagkaroon ng pagbugso sa mga kaso ng coronavirus, dumagsa ang mga pasyente at nabawasan ang staff dahil ang mga kawani ay nagkakasakit o napipilitang mag-isolate.
Ayon sa New South Wales Nurses and Midwives’ Association . . . “The community needs to hear the truth — current staffing levels are inadequate, unsafe and putting patients at risk.”
Sa isang pahayag ay pinasalamatan naman ng New South Wales Health Department ang mga nurse para sa walang pagod na pagtatrabaho sa loob ng dalawang taon habang umiiral ang Covid-19 pandemic.
Nguni’t ayon sa NSWHD . . .”There are more nurses and midwives in New South Wales public hospitals than at any other time in history.”
Nabigo ang mga pag-uusap para sa pagkakasundo na ihinto ang welga, at ipinag-utos ng Industrial Relations Commission court na huwag nang magkaroon pa ng industrial action.
Ang naturang utos ay tinanggihan at sinabi ng union organizers, na isinasaalang-alang nila na magsagawa pa ng mga pagwewelga.
Ang mahigpit na pagsasara ng mga hangganan at agresibong “testing at tracing” ay nakatulong na maging Covid-free ang Australia sa matagal-tagal ding panahon ng pag-iral ng pandemya.
Subali’t ang pagdating ng Omicron ay nagresulta sa libu-libong mga kaso at dose-dosenang pagkamatay sa araw-araw.
Nasa 2.5 milyong kaso ang naitala sa bansang may 25 milyon ang populasyon.