Basurang ilegal na inangkat, ibabalik ng Tunisia sa Italy
Ibabalik ng Tunisia ang higit 280 containers ng basurang ilegal na inangkat mula sa Italy noong 2020.
Ayon sa environment ministry, ang mga container ay dinala ng isang kumpanya sa Tunisia na mali ang pagka-claim dahil sinabing iyon ay household waste – na ipinagbabawal angkatin sa ilalim ng batas ng Tunisia – nguni’t sa katunayan ay plastic scrap na ire-recycle.
Ang importasyon ay nagbunga ng malawakang galit, na nagresulta sa mga protesta sa Tunisia kung saan hiniling ng mga tao na bawiin ng Italya ang mga basura nito.
Ang waste containers ay dinala mula sa Campania region sa southern Italy, at kasalukuyang nakaimbak sa isang pantalan sa siyudad ng Sousse sa Tunisia.
Sinabi ng Tunisian environment ministry, na isang kasunduan ang nilagdaan noong Biyernes sa pagitan ng dalawang bansa para ibalik ang basura sa Italy, na pinagmulan nito.
Ayon sa kasunduan, 213 containers na nakaimbak sa pantalan ng Sousse ang unang ibabalik, kung saan ang barkong magdadala sa mga basura pabalik sa Italya ay aalis sa Sabado.
Nagpapatuloy naman ang konsultasyon sa natitira pang waste containers na nakaimbak sa Sousse, na nasira sa nangyaring sunog noong Disyembre.
Humigit-kumulang 26 katao ang nililitis dahil sa kanila umanong pagkakasangkot sa iligal na pag-import sa naturang mga basura, kabilang ang dating environment minister na si Mustapha Aroui, na una nang naaresto.
Nakalaya naman ang manager ng import firm matapos lumagda ng isang kasunduan ang kompanya na nagkakahalaga ng five million euros, para i-dispose ang hanggang 120,000 tonelada ng basura.
Ang kaso ay nagbigay-daan para muling mapansin ang global trade sa basura, na lumawak na sa kabila ng mas mahigpit na mga regulasyon na naglalayong pigilan ang mayayamang mga bansa sa pagtatapon ng kanilang “hazardous waste” sa mas mahihirap na mga bansa.