UAE investors, interesadong mamuhunan sa agribusiness at turismo sa bansa
Maraming United Arab Emirates o UAE-based firms ang interesadong mag-invest o mamuhunan sa Pilipinas.
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, na ang UAE-based firms ay nagsumite ng letters of intent para mamuhunan sa agribusiness, tourism, health care at renewable energy.
Ayon kay Lopez . . . “Iyong isang pinakamalaki diyan ‘yung agribusiness. The investors, talagang desidido sila na mag-operate dito dahil naging matagumpay ang kanilang operation in a hot, humid country like Qatar and UAE pagdating sa dairy industry.”
Binigyang diin ng Kalihim na ang potential investments na ito ay makapagpapalakas sa dairy sector ng Pilipinas, na umaasa sa import.
Aniya . . . “Isa pang interesting ‘yung sa tourism na nabanggit natin. It might create some kind of Disney World or fantasy island dito sa Pilipinas. They’re planning it outside Metro Manila.”
Una nang sinabi ng DTI na ang planong investments ay maaaring umabot sa $600 million at makalikha ng 4,000 hanapbuhay.
Samantala, natapos na ang pag-uusap ng Pilipinas at UAE para sa Investment Promotion and Protection Agreement (IPPA).
Tutulungan ng IPPA ang bansa na magkaroon ng mga pagkakataon sa pamumuhunan, lalo na ang paggamit sa UAE sovereign wealth funds na may pinagsamang asset na $1.6 trilyon.