Queen Elizabeth balik trabaho na makaraang mahawaan ng COVID-19
Nagsagawa nang muli ng public engagements si Queen Elizabeth II, makaraang mahawaan ng Covid-19.
Marami ang nag-alala para sa 95-anyos na reyna mula nang magpositibo ito sa Covid-19 noong February 20, bago ang simula ng aktibidad kaugnay ng ika-70 taon niya sa trono.
Subali’t ayon sa isang pahayag mula sa palasyo, kaya na ng reyna na magsagawa ng virtual engagements, katunayan ay nag-host na siya sa mga bagong ambassadors ng Andorra at Chad mula sa kaniyang tahanan sa Windsor Castle.
Noong isang linggo ay kinansela ng reyna ang naka-schedule niyang engagements sa mga bagong ambassador, dahil nakararanas siya ng “mild” Covid symptoms.
Ang diplomatic reception na nakatakdang daluhan ng reyna ngayong Miyerkoles ay kinansela rin, ayon na rin sa payo ni Foreign Secretary Liz Truss, sanhi naman ng pananakop ng Russia sa Ukraine.
Una nang sinabi ng Buckingham Palace na hindi ito magbibigay ng “running commentary” tungkol sa lagay ng kalusugan ng reyna, nguni’t ang balitang balik na ito sa kaniyang duties ay nakikitang isang positibong indikasyon.
Ayon naman kay Prince Charles nang tanungin tungkol sa kalusugan ng kaniyang ina habang siya ay bumibisita sa Southend-on-Sea, sa silangan ng London . . . “She’s a lot better now — it was very mild.”
Si Prince Charles ay nagkaroon na rin ng Covid sa mga unang bahagi ng 2020, at muling nagpositibo noong February 10 ngayong taon, dalawang araw matapos ang huli niyang pakikipagkita sa kaniyang ina.
Ang pangalawang asawa naman nito na si Camilla, ay nakumpirmang nahawaan din ng virus noong February 14.
Ang reyna ay pinayuhan ng mga manggagamot na maghinay-hinay matapos magpalipas ng magdamag sa isang ospital, kasunod ng mga hindi tinukoy na tests noong Oktubre ng nakalipas na taon at kinansela ang ilang bilang ng kaniyang mga engagement.
Kasama rito ang pagho-host sa world leaders sa UN climate change summit sa Glasgow noong Nobyembre, nang siya ay ilabas mula sa annual Remembrance Sunday service at sa Church of England General Synod dahil sa pananakit ng likod.
Nang siya ay magsagawa ng public appearances, halata sa reyna ang panghihina dahil gumagamit ito ng isang tungkod. Nitong nakalipas na buwan ay dumaing siya na nahihirapan siyang gumalaw.
Paulit-ulit nang inihayag ng Buckingham Palace na “light duties” lamang ang ginagawa ng reyna, na sinasabing nakasentro sa pagbabasa ng government policy at iba pang official papers.
Si Queen Elizabeth II ay nakatakdang dumalo sa Commonwealth Service sa Westminster Abbey sa London sa March 14, at sa isang memorial service para sa namayapa niyang asawang si Prince Philip, sa March 29.
Si Prince Philip, Duke of Edinburgh ay namatay sa edad na 99 noong Abril 2021. Siya at ang reyna ay 73 taon nang kasal.
Ang reyna ang naging kauna-unahang monarka sa kasaysayan ng Britanya na namuno ng 70 taon noong February 6, at ang public celebrations ay planong gawin sa mga unang bahagi ng June.
Sa mga darating na linggo, walong senior members ng royal family ang nakatakdang bumisita sa walo sa 14 na Commonwealth countries sa labas ng UK, kung saan si Queen Elizabeth II din ang reyna at head of state.