Mass-testing plan hindi makatutulong ayon sa top Hong Kong Covid expert
Kasama na rin ang isa sa pangunahing coronavirus experts sa Hong Kong sa bumabatikos sa planong isailalim sa testing ang buong lunsod, sa pagsasabing maliit lamang ang magiging epekto nito.
Ang Asian financial hub ay nakapagtatala ng libu-libong bagong kaso araw-araw, sanhi para umapaw ang mga ospital at masira ang zero-Covid strategy ng siyudad.
Inatasan ng China ang mga lokal na opisyal na pigilin ang kasalukuyang bugso, habang lumabas sa pagtaya sa mga pag-aaral na nasa sangkapat (1/4) ng mga residente sa lungsod ang posibleng nahawaan na.
Plano ng mga awtoridad na isailalim sa test ang 7.4 na milyong mga residente sa huling bahagi ng buwang ito, at nagkukumahog nang magtayo ng isang network ng isolation camps at temporary hospitals sa tulong ng China, para paglagyan sa mga infected.
Ang kritisismo mula kay Yuen Kwok-yung, isang beteranong microbiologist na nanguna sa paglaban ng siyudad sa SARS noong 2003, ay sumunod sa maraming iba pang local health experts na bumatikos sa estratehiya.
Ayon kay Yuen, isang pangunahing government pandemic adviser . . . “Mass testing can help break transmission chains when there are ‘only a few dozen or a few hundred cases a day’ and has been deployed successfully in mainland China when outbreaks first emerge. If we are recording over 50,000 new cases every day, I don’t think (mass testing) will be very helpful. If we do not have sufficient isolation facilities, the effectiveness of compulsory testing will be very low.”
Ang komento ni Yuen ay dumagdag pa sa lumalaki nang agwat sa pagitan ng Hong Kong experts at ng kanilang China counterparts, na lumalawak na ang bahagi sa paglaban ng siyudad sa Covid-19, sa pamamagitan ng isang joint task force na itinatag sa katabing Shenzhen.
Tanging ang China na lamang ang patuloy na gumagamit ng isang zero-Covid strategy.
Sinabi ng Hong Kong authorities, na plano pa rin nilang subukang i-isolate ang infected residents sa mga kampo.
Humigit-kumulang 70,000 unit ang inaasahang mago-online sa mga darating na linggo, sa mga requisitioned hotel at pampublikong pabahay pati na rin sa mga kampo.
Ngunit iyon ay isang maliit na bahagi lamang ng kung ano talaga ang kakailanganin.
Nito lamang Huwebes, ang Hong Kong ay nag-ulat ng 56,827 mga bagong impeksiyon, kaya’t ang kabuuan ay halos 338,000 na mula nang mag-umpisa ang lubhang nakahahawang Omicron variant.
Higit 1,100 ang nasawi, at malaking bahagi ng mga nakatatandang populasyon ang hindi pa rin bakunado.
Ang tunay na bilang ng mga nai-impeksiyon ay malamang na mas mataas pa, dahil natatakot ang mga residenteng magsabi sa mga awtoridad dahil sa pangambang dalhin sila sa mga kampo kapag sila ay nagpositibo.
Ang isolation at mass-testing plans ay dumagdag pa sa kawalan ng katiyakan sa sitwasyon sa Hong Kong.
Naubos ang mga paninda sa supermarkets dahil sa panic buying, habang nagbabala naman ang Estados Unidos sa pagbiyahe sa lungsod na ang isa sa dahilan ay ang posibilidad na maihiwalay ang mga bata sa kanilang mga magulang.
Lahat din ng subway operator, bus at ferry companies maging ang isang pangunahing supermarket chain, ay nag-anunsiyo na magbabawas sila ng operasyon.
Pinaka-apektado ng pangyayari ang pinakamahihirap at most vulnerable communities sa lungsod.
Nitong Huwebes ay nagbabala ang Justice Center, isang local charity na maaaring magkaroon ng humanitarian crisis, habang ang 14,000 refugees sa lugar ay nahihirapan nang makabili ng pagkain sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang refugees at asylum seekers ay hindi puwedeng magtrabaho sa Hong Kong, at kailangan na lamang magkasya sa maliit na allowance mula sa gobyerno.