Gobyerno hindi na muling maglulunsad ng National Vax Days
Matapos mabigong makuha ang target na mabakunahan ang 1.8 milyong indibidwal sa katatapos na National Vaccination Days (NVD), hindi na muling magsasagawa ang gobyerno ng isa pang Bayanihan Bakunahan.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chair at Health Undersecretary Myrna Cabotaje . . . “We may not have another National Vaccination Days, instead we will focus on provinces that need help. We will pour resources there, not like a general approach for all.”
Binanggit ni Cabotaje na may mga lugar na naabot na ang 70 percent vaccination rate ng kanilang eligible population, kabilang na ang senior citizens.
Dagdag pa niya, itutuon ng national government ang mga aktibidad sa pagbabakuna sa bawat lugar, upang bigyang-daan ang mga nasa ilalim ng Alert level 2 at Alert level 1 na lalong mapababa ang bilang ng mga kaso.
Ayon kay Cabotaje, humigit-kumulang sa 1.4 na milyong doses ang naibigay sa ika-apat na bahagi ng Bayanihan Bakunahan, na natapos na noong Sabado.
Subali’t may ilang local government units (LGUs) na pinalawig pa ang bakunahan hanggang kahapon, Martes, March 15.
Sinabi ni Cabotaje na ang kawalan ng sense of urgency at pag-aalangan sa bakuna, gayundin ang masamang panahon, ay nag-ambag sa mabagal na rate ng pagbabakuna.
Umaasa ang opisyal na maaabot pa rin ng gobyerno ang paunang target nito na ganap na mabakunahan ang 70 milyong indibidwal sa buong bansa sa pagtatapos ng buwan. Para maabot ito, sinabi ni Cabotaje na dapat ay makapagbakuna ng isa hanggang dalawang milyong indibidwal kada linggo hanggang sa March 30.
Samantala, inihayag ng Department of Health (DOH), na hindi na kailangan ng gobyerno na bumili ng dagdag na doses ng Sinovac vaccines ng China para sa pediatric vaccination, dahil parehong formulation ang gagamitin kapwa sa matatanda at bata.
Ayon kay Cabotaje, ang mga bakunang gagamitin para sa pediatric inoculation ay may kaparehong formulation ng para sa adults, hindi gaya sa Pfizer na mayroong reformulated dose dahil sa isang concentrated spike protein. Para sa Sinovac, ang dose at formulation na pang-matanda ay siya ring ibibigay sa mga bata.
Aniya . . . “So, we do not need to buy additional Sinovac, we have enough on stock, we are just fixing the messaging so people can understand why the same will be given to adults and children for Sinovac while Pfizer is different. Our experts need to communicate better with our health workers.”
Noong March 11, nagkaloob ang Food and Drug Administration (FDA) ng isang amended emergency use authorization para gamitin ang Sinovac para sa edad anim pataas. Ang Sinovac ang ikatlong bakuna na pinayagan para iturok sa mga bata, kasunod ng Pfizer at Moderna.
Binanggit ni Cabotaje na una nang bumili ang gobyerno ng 20 milyong doses ng Pfizer, na gagamitin sa 10 milyon mula sa 15.5 milyong mga bata na edad lima hanggang labing-isa.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na ang Health Technology Assessment Council ay nagsasagawa na ngayon ng pagsusuri at inaasahang ilalabas sa loob ng dalawang linggo kasama ang kinakailangang gabay sa paggamit ng Sinovac para sa pediatric vaccination.