Mga kabataang babaeng Afghan, balik eskuwela na makaraang tapusin ng Taliban ang pagbabawal
Balik eskuwela na sa kapitolyo ngayong Miyerkoles ang mga kabataang babaeng Afghan, matapos i-anunsiyo ng Taliban authorities ang muling pagbubukas ng secondary schools, higit pitong buwan matapos nilang maagaw ang kapangyarihan, at magpatupad ng mahihigpit na mga restriksiyon sa karapatan ng mga babae na makapag-aral.
Lahat ng mga paaralan ay isinara dahil sa pandemya ng Covid-19, nang muling makabalik sa kapangyarihan ang Taliban noong nakaraang Agosto — ngunit ang mga lalaki at ilang mas batang babae lamang ang pinayagang ipagpatuloy ang mga klase makalipas ang dalawang buwan.
Sinabi ng education ministry, na muli nang magbubukas ngayong Miyerkoles ang mga paaralan sa magkabilang panig ng ilang lalawigan kabilang na sa Kabul, kapitolyo ng Afghanistan — nguni’t sa southern region ng Kandahar na siyang spiritual heartland ng Taliban ay sa susunod na buwan pa magbubukas. Wala namang ibinigay na dahilan.
Kaninang umaga ay ilang grupo ng mga batang babae ang nakitang pumasok sa school grounds sa kapitolyo, habang daan-daan naman ang dumating bago mag alas-7:00 ng umaga (oras doon), sa Zarghona High School, na isa sa pinakamalaki sa Kabul.
Sa Rabia Balkhi School na nasa Kabul pa rin, dose-dosenang mga kabataang babae ang nagtipon-tipon sa gate habang naghihintay na sila ay makapasok.
Sinabi ng ministry, na ang muling ang pagbubukas ng mga paaralan ay palaging layunin ng pamahalaan at ang Taliban ay hindi sumusuko sa pangigipit o “pressure.”
Ayon kay Aziz Ahmad Rayan, isang ministry spokesman . . . “We are not reopening the schools to make the international community happy, nor are we doing it to gain recognition from the world. We are doing it as part of our responsibility to provide education and other facilities to our students.”
Iginiit ng Taliban na nais nilang tiyakin na ang mga paaralan para sa mga batang babae na may edad 12 hanggang 19, ay ihihiwalay at tatakbo ayon sa mga prinsipyo ng Islam.
Ang Taliban ay nagpataw ng napakaraming paghihigpit sa mga kababaihan, gaya ng pagbabawal sa kanila na humawak ng mga trabaho sa gobyerno, nagpataw ng mga polisiya sa kanilang kasuotan at pinipigilan silang lumabas ng mga lungsod ng mag-isa. Ikinulong din nila ang ilang rights activist na mga babae.
Sa kabila ng muling pagbubukas ng mga paaralan, ang mga hadlang sa pagbabalik sa edukasyon ng mga batang babae ay namamalagi, kung saan maraming mga pamilya ang nagsususpetsa sa Taliban at nag-aalangang palabasin ang kanilang mga anak na babae.
Ang iba naman ay walang nakikitang saysay sa pag-aaral ng mga batang babae.
Ayon sa 20-anyos na si Heela Haya mula sa Kandahar na nagpasyang tumigil na sa pag-aaral . . . “Those girls who have finished their education have ended up sitting at home and their future is uncertain. What will be our future?”
Kinuwestiyon din ng Human Rights Watch kung anong motibasyon ang kailangan ng mga batang babae para mag-aral.
Ani Sahar Fetrat, isang assistant researcher na kasama ng grupo . . . “Why would you and your family make huge sacrifices for you to study if you can never have the career you dreamed of?”
Samantala, aminado ang education ministry na nahaharap ang mga awtoridad sa kakulangan ng mga guro, na ang marami ay kabilang sa libu-libong lumikas nang muling magbalik sa kapangyarihan ang Taliban.
Ayon sa tagapagsalita ng ministry . . . “We need thousands of teachers and to solve this problem we are trying to hire new teachers on a temporary basis.”